
CAUAYAN CITY – Naitala ang record high na COVID-19 related death sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Kelvin Co, Focal Person at Vaccine Coordinator ng SIMC, sinabi niya na naitala ang siyam na maituturing na pinakamaraming bilang ng mga nasawi dulot ng COVID-19.
Hindi kinaya ng mga nasawi ang virus sa kanilang katawan na naging sanhi ng kanilang kamatayan.
Ayon kay Dr. Co, upang matugunan ang lubos na pangangailangan ng espasyo para sa mga pasyenteng tinamaan ng virus ay sinuspindi muna ang operasyon ng ilan sa kanilang mga serbisyo ngunit patuloy ang kanilang emergency services pangunahin na ang surgery at pagpapaanak.
Kabilang sa mga lubos na naapektuhan ang kanilang Out-Patient Department o (OPD) at Department of Ob-gyne at Surgery Department kaya pahirapan din ang kanilang sitwasyon dahil sa kakulangan ng mga kagamitan lalo na sa mga bed at ventilation.
Sa kasalukuyan ay mayroong 157 COVID-19 confirmed patients ang nasa pangangalaga ng SIMC.
Sa ngayon ay kulang ang bilang ng mga healthcare workers ng ospital dahil sa hindi maiiwasang pagkahawa nila sa virus sa sa kanilang mga trabaho, kamag-anak o sa komunidad.
Bilang tugon ay nagpapatupad ng mga estratehiya ang SIMC upang mabigyan pa rin ng sapat na serbisyo ang publiko sa pamamagitan ng pagsasaayos sa kanilang internal system para mapunan ang kakulangan ng mga personnel.
Bilang suporta sa mga healthcare workers ay mayroon silang araw ng checkup para malaman ang kondisyon ng kanilang kalusugan at mabigyan ng debriefing,
Maliban sa mga health workers ay problema na rin ngayon ng SIMC ang supply ng mga Personal Protective Equipment (PPE).
Sa kabila nito tiniyak ni Dr. Co na sapat pa rin ang mga test kits ng SIMC.










