CAUAYAN CITY – Siyam na bahay ang nasira habang 31 isang individual ang naapektuhan sa naganap na landslide kaninang madaling araw sa Sitio Barikir, Yeban Norte, Benito Soliven, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni May Florence Abu ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) na kaninang alas dos ng madaling araw nang itawag sa kanila ng barangay kapitan at isang barangay kagawad ng Yeban Norte ang naganap na pagguho ng lupa.
Agad silang nagsagawa ng paglilikas sa mga pamilya na nakatira sa walo sa siyam na napinsalang bahay at dinala sa evacuation center ng kanilang barangay.
Ang nakatira sa ikasiyam na bahay na napinsala ay nasa Gundaway, Cabarroguis, Quirino.
Wala aniyang nasugatan sa 31 individual na naapektuhan ng kalamidad.
Nakita sa lugar ang bitak-bitak na lupa sanhi ng umangat na lupa na naging sanhi ng landslide.
Sinabi ni Abu na landslide prone area ang nasabing lugar kaya sinabi ni Mayor Roberto Lungan ng Benito Soliven na na dadalhin ang mga naapektuhang pamilya sa resettlement area dahil hindi na papayagan ang pagpapatayo ng bahay sa nasabing lugar.













