Hindi bababa sa siyam (9) na katao ang nasawi habang labing-isa (11) pa ang sugatan matapos magpaputok ng baril ang dalawang armadong lalaki laban sa mga sibilyan sa Bondi Beach, Australia noong Linggo, Disyembre 14.
Ayon sa mga awtoridad, agad na rumesponde ang pulisya at mga emergency responder sa lugar ng insidente. Nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng mga suspek at ng mga awtoridad na nagresulta sa pagkakasugat ng isa sa mga armado. Ang nasabing suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya at nasa kritikal na kondisyon.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang kinaroroonan at kalagayan ng ikalawang suspek habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon sa pinagmulan at motibo ng pamamaril.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na impormasyon kaugnay sa dahilan ng insidente.
Samantala, naglabas naman ng pahayag sa internet si Australian Prime Minister Anthony Albanese kaugnay ng insidente at inilarawan ang pangyayari bilang nakakagulat at lubhang nakakabahala, kasabay ng pagbibigay-diin sa agarang pagkilos ng pulisya at mga emergency responder upang iligtas ang mga biktima.
Ang pamamaril sa Bondi Beach ay itinuturing na pinakabagong mass shooting na naitala sa Australia sa loob ng huling 29 na taon, na muling nagdulot ng pangamba at panawagan para sa mas mahigpit na seguridad sa mga pampublikong lugar.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang nananatili ang mahigpit na pagbabantay sa lugar upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.









