--Ads--

Matagumpay na nadakip ng mga awtoridad ang siyam sa sampung suspek sa pamamaril-patay sa dalawang indibidwal sa  isang restobar sa Brgy. Villa Norte, Maddela, Quirino nitong bisperas ng pasko.

Matatandaan na nasawi sina sina Crisel P. Cayong, 26 anyos ; at Ej Rodriguez na parehong mga residente ng Brgy. Divisoria Sur, Maddela, Quirino sa naturang inisidente habang sugatan naman ang apat na iba pa na pawang mga kabataaan.

Matagumpay na naharang ang mga suspek na tinangkang tumakas sakay ng isang sasakyan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Sonny Day Paragas, Deputy Chief of Police ng Maddela Police Station sinabi niya na sa pagmamadali ng mga suspek ay tumaob ang kanilang getaway vehicle dahilan upang ma-korner sila ng mga awtoridad.

--Ads--

Bagama’t grupo silang nakipagrambolan sa mga biktima ay iisa lang umano ang bumaril sa mga biktima at hindi ito kasama sa mga nadakip dahil nagawa nitong makatakas.

Aniya, bago pa man mangyari ang insidente ng pamamaril ay nagkaroon ng suntukan sa pagitan ng dalawang grupo ngunit hindi naman nila matukoy sa ngayon kung ano pinag-ugatan ng gulo.

Sa ngayon ay nakahimpil na sa Maddela Police Station ang mga nahuling suspek habang patuloy namang pinaghahanap pa ang isa sa mga suspek na itinuturong bumaril sa mga biktima.