CAUAYAN CITY- Target ng Department of Labor and Employment (DOLE) Isabela na mapataas sa 90% ang bilang ng mga Micro Establishment sa Isabela na compliant sa General Labor Standards.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Reginald Estioco ng DOLE Isabela, sinabi niya kabilang sa naturang standard ay ang tamang pasahod, tamang oras ng paggawa maging ang pagbibigay ng nararapat na benepisyo sa mga empleyado.
Maliban sa General Labor Standards, i-mo-monitor din nila kung ang mga employer ay sumusunod sa Occupational Safety gaya na lamang ng pagpoprovide ng Safety Officer at First Aider.
Bagama’t limitado lamang ang bilang ng mga inspectors ng DOLE Isabela ay tiniyak naman ni Estioco na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang maabot ang kanilang target na 90% compliance bago matapos ang taong 2025.
Aniya, ang mga employer na hindi compliant sa tamang pasahod ay bibigyan ng 20 araw para mag-comply at kung bigo man sila ay masasampahan sila ng kaso.
Dahil sa ayaw ng ilang employer na makasuhan ay tumatalima naman aniya sila agad bago matapos ang palugit na ibinigay ng DOLE.
Gayunpaman ay nagbibigay naman sila ng konsiderasyon sa mga employer sa mga small business owners na hindi bababa sa 9 na empleyado dahil developmental approach ang ginagawa nila sa mga ito.
Tinutulungan aniya nila ang mga ito para kahit paunti-unti ay makapag-comply sa General Labor Standards at Occupatonal Safety.











