CAUAYAN CITY – Nakatulong sa pagtaas ng water inflow sa Magat Dam Watershed ang mga naitalang pag-ulan sa lalawigan ng Isabela sa mga nakalipas na araw.
Mula sa dating 30 cubic meter per second na inflow sa watershed ay tumaas ito hanggang 91 cubic meter per second kagabi kasabay ng malakas na pagbugso ng ulan na naranasan sa lugar habang nananatili namang mababa ang water elevation nito na nasa 175.75 meters above sea level lamang.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manger ng NIA-MARIIS, sinabi niya na nag-simula na silang mag-pakawala ng tubig para sa 60,000 na ektarya ng palayan ngunit hindi kabilang dito ang mga lugar na nasa tail end gaya ng Reina Mercedes, Naguilian, Cordon, Santiago City, at Echague sa Isabela habang sa lalawigan naman ng Quirino ay sa bayan ng Diffun, Saguday at Cabarroguis.
Aniya, kapag mababa ang lebel ng tubig ay hindi na makaka-abot ang agos ng tubig mula sa mga lugar na nabanggit.
Ngunit kapag hindi na aniya nag-extend ang El Nino ay umaasa si Engr. Dimoloy na pagsapit ng huling buwan ng Hunyo ay mapapatubigan na ang lahat ng palayan na sakop ng kanilang program area.
Nagpapasalamat naman siya sa mga magsasaka sa kooperasyon at kanilang pakikipagtulungan sa kanilang ahensya.