CAUAYAN CITY – Umabot sa mahigit 90% na Local Government Units (LGUs) sa Region 2 ang nakatapos sa huling araw ng pamamahagi ng ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi niya na kahapon ay nasa 91.2% na ang nakakatapos at patuloy pa rin ang pagdating ng mga datos mula sa mga LGUs na kasalukuyan pa rin ang pamamahagi.
Aniya, sa lalawigan ng Nueva Vizcaya ay nasa 79.12% na kahapon, Quirino ay 91.66%, Isabela ay 97.95%, Cagayan ay 92.17% habang ang Batanes ay 26.63%.
Ayon kay ARD Alan, natatagalan ang ilang LGUs dahil may mga nagbalik ng pera sa kadahilanang nakakuha na umano sila ng ayuda mula sa ibang programa ng pamahalaan, hindi tama ang impormasyon na inilagay sa Social Amelioration Card, wala sa lugar ang nasa listahan o di kaya ay hindi kinaya ang oras o araw na itinakda para tapusin ang pamamahagi.
Sa mga hindi pa aniya natatapos ay sisikapin nilang tapusin ngayong araw subalit kung hindi na talaga kaya ay ibalik na lamang nila ang pondo na hindi naibigay.
Samantala, sinabi pa ni ARD Alan na wala pang advisory na ibinaba sa kanila para sa pangalawang bugso ng pamamahagi ng ayuda mula sa SAP sa mga lugar na nakasailalim na sa General Community Quarantine (GCQ).











