CAUAYAN CITY – Ipinagkaloob na ng Philippine Red Cross (PRC) Isabela Chapter ang household livelihood assistance para sa mga pamilya labis na naapektuhan noon ng bagyong Ompong.
Siyam na raan at dalawampu’t pito ang nakatanggap ng tulong na Php 6,500 mula sa Korean Embassy.
Mabibigyan ang mga benepisaryo ng karagdang Php 4,500 matapos ang gagawing monitoring sa kanila.
Sa kabuuan ay 11,000 cash grant ang maipagkakaloob sa bawat pamilya.
Natuloy ang nasabing aktibidad kahit hindi nakapunta sina Senador Richard Gordon, chairman ng PRC national at si Congressman Antonio Albano ng 1st district ng Isabela, chairman ng PRC Isabela Chapter matapos makansela ang kanilang flight mula Kalakhang Maynila dahil sa sama ng panahon
Ang pamamahagi ng mga tulong ay pinangunahan ng kinatawan ng PRC national na si Ginoong Leonardo Ibajo, director ng disaster management services gayundin si PRC Isabela chapter administrator Josephine Stephany Cabrera.
Sa naging pagsasalita ni Ginoong Ibajo ay ipinaliwanag niya ang mga dapat na gagawing paghahanda kapag may kalamidad lalo na ang bagyo.
Samantala, nagpaliwanag si Congressman Albano na natagalan ang pagbibigay ng nasabing tulong.
Ito ay dahil sa isinagawang masusing assessment sa mga dapat na mabigyan ng tulong gayundin ang pagsasailalim sa kanila sa seminar para sa kanilang livelihood assistance.
Ayon naman kay Ginang Cabrera, isinagawa muna ang orientation bago ipinamahagi ang household livelihood assistance sa mga benepisaryo.
Ito ay para maipabatid sa kanila kung ano ang Philippine Red Cross at kung saan galing ang tulong para sa kanila.