CAUAYAN City – Inaasahan ang ibayo pang pagkilos ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) dito sa Isabela at sa iba pang bahagi na nasasakupan ng 5th Infantry Star Division, Philippine Army.
Ito ay makaraang bawiin ng National Democratic Front-Communist Party of the Philippines-New People’s Army ( NDF-CPP-NPA) ang kanilang inihayag na unilateral ceasefire.
Sa isinagawang briefing ni Lt. Col. Jose Vladimir Cagara, Commander ng 86th Infantry Batallion ng Philippine Army sa Provincial Peace and Order Council Meeting sa Provincial Capitol ng Isabela, inaasahan na nila ang ibayo pang pag-atake ng mga NPA tulad ng pag-atake sa mga maliliit na detachment ng CAFGU, mga outpost ng pulisya.
Hindi rin umano sasantuhin ng mga rebelde ang pag-atake sa mga vital intallations ng pamahalaan.
Sa nakaraang mga araw bago itigil ng NPA ang kanilang ceasefire, sinabi ni Lt. Col. Cagara, na mayroon ng pagkilos na ginagawa ang mga NPA partikular ang mga non-violent incidents tulad ng pangangalap ng pagkain at paghikayat ng mga mamamayan na sumapi sa kanila.
Ilan sa mga naitalang bayolenteng pagkilos ng mga NPA ay ang pananambang at pagpatay sa dalawang sundalo ng 86th infantry batallion sa Echague, Isabela at ang tangkang panununog ng mga rebeldeng NPA sa ilang heavy equipment ng isang construction company na gumagawa ng daan sa Northern Isabela.
Inihayag pa niya na hindi lamang ang militar at pulisya ang target ng NPA kundi maging ang iba pang grupo na inaasahan nilang makakakuha sila ng mga armas.
Sinabi pa niya na kung dati ang NPA ay kumikilos sa grupo na 7 hanggang 10, ngayon ay umaabot na sa 10 hanggang 20 ang kumikilos sa isang lugar.
Dagdag pa ni Lt. Col. Cagara na ang pinakamarami na nakitang grupo ng NPA ay sa isang lugar sa Echague Isabela noong sila ay magdiwang ng anibersaryo ng NPA kung saan nakita umano ang 100 armadong kasapi ng NPA.