--Ads--

CAUAYAN CITY, Isabela – Nakipagpalitan ng putok ng baril ang mga otoridad sa dalawang lalaki na hinihinalang carnapper sa Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Sr. Insp. Mariano Marayag, hepe ng Bagabag Police Station, umabot sa tatlong minuto ang kanilang naging palitan ng putok laban sa dalawang suspek.

Una rito, ipinabatid ni punungbarangay Norberto Santiago na may dalawang kahina-hinalang lalaki ang nangungupahan sa kanilang lugar.

Agad naman nilang tinungo ang lugar at inobserbahan muna nang ilang oras bago tuluyan puntahan ang bahay ng dalawang suspek.

--Ads--

Habang papalapit ay biglang nagpaputok ang isa sa mga suspek na dahilan upang gumanti na rin ng putok ang mga pulis.

Ayon pa kay Sr. Insp. Marayag, sinubukan nilang habulin subalit agad tumakas ang dalawang suspek matapos ang engkwentro.

Mapalad naman na wala umanong nasugatan sa grupo nila subalit isa sa mga suspek ay pinaniniwalang nasugatan.

Nabawi sa kanilang inuupahang bahay ang isang calibre 38 na baril, airgun at dalawang motorsiklo na ang isa rito ay una nang napaulat na nawawala.