CAUAYAN CITY – Mahigit P/1,000,000.00 cash ang natangay ng mga suspek sa niloobang groserya sa pamamagitan ng tunneling sa Silauan Sur Echague, Isabela.
Inihayag ng guwardiya na si Efren Perez, 25 anyos, binata at residente ng Echague, Isabela na nagsagawa umano siya ng inspeksyon makaraang makarinig ng ingay sa loob ng groserya subalit wala siyang nakita.
Sa pagpasok ng mga kawani ng nasabing tindahan ay nakita nila ang butas sa pader at natuklasang pinagnakawan ang Savers King Supermart.
Dumaan umano ang mga suspek sa drainage canal at kanilang binakbak ang isang pader upang mapasok sa loob ng groserya.
Sa pagsisiyasat naman ng pulisya, higit P/1,000,000.00 cash ang natangay ng mga suspek.
Nakuha sa drainage canal ang dalawang cellphone na maaring nahulog ng mga suspek.
Makikipagpulong naman ang mga pulis sa mga may-ari ng ibat ibang bahay kalakal upang doblehin ang pagbabantay ng mga gwardya.