--Ads--

CAUAYAN CITY – Itinanggi ng pamunuan ng 86th Infantry Batallion Philippine Army ang paratang ng Danggayan Daguiti Mannalon (DAGAMI) Cagayan Valley na umano’y pananakot ng mga sibilyan sa San Martin, Maddela, Quirino.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Lt. Carl James Teaño, tagapagsalita ng 86th IB na walang katotohanan ang mga akusasyon  ng DAGAMI na may  mga sundalong nananakot sa mga barangay ng San Martin at Villa Ylanan,  Maddela.

Sa ngayon aniya ay may  mga sundalong nagbibigay seguridad sa mga mamamayan sa barangay  San Martin.

Nagpadala sila ng mga sundalo  sa nasabing mga barangay  matapos matanggap ang  impormasyon na may 150 na miyembro ng New People’s Army (NPA) ang  nagtungo roon  at humingi ng mga pagkain.

--Ads--

Naniniwala si Lt. Teaño na ang mga rebelde ay galing sa Isabela.

Maaaring lumipat sila sa lalawigan ng Quirino dahil sa pinaigting na opensiba ng militar sa San Agustin, Isabela.

Una rito, itinanggi ni Barangay Kapitan Paulino Lunag ng San Martin, Maddela, Quirino sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan ang akusasyon ng DAGAMI na tinatakot ng mga kasapi ng 86th Infantry IB ang mga sibilyan kaya napilitan silang lumikas.

Aniya, kusang lumikas ang halos 100 na tao sa San Martin, Maddela dahil sa presensiya ng mga kasapi ng NPA.

Ayon kay Lunag, may mga kasapi ng NPA ang nakitulog sa bahay ng mga sibilyan.

Dahil sa takot ng mga sibilyan na madamay kapag nagkaroon ng sagupaan ang mga NPA at mga sundalo ay kusa silang umalis muna sa kanilang lugar.

Nanawagan si Barangay Kapitan Lunag sa mga NPA na huwag manatili sa bahay ng mga sibilyan at maging sa mga sundalo na maging maingat sa kanilang operasyon upang hindi madamay ang mga mamamayan

Nauna rito nagpalabas ng press release ang DAGAMI Cagayan Valley na kumukondena sa umano’y presensiya ng mga sundalo at sapilitang pagpapalikas sa mga  sibilyan sa barangay San Martin.

Nakasaad pa sa press release na isa umanong helicopter at 2  army truck ang nagtungo sa lalawigan ng Quirino at nagbaba ng mga sundalo sa mga barangay ng San Martin, Villa Ylanan, Villa Gracia at Tungcab sa bayan ng Maddela.