--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasa 85 pamilya na binubuo ng 375 indibidwal mula sa Brgy. Cabua-an, Maddela Quirino ang lumikas dulot ng matinding takot sa mga kasapi ng New People’s Army.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kinumpirma ni P/Chief Insp. Jun Balisi, hepe ng Maddela Police Station na ganap na alas-4:30 kahapon nang dumating ang naturang bilang ng pamilya at kasalukuyang nagkakanlong sa Municipal Gymnasium ng naturang bayan.

Aniya, ang mga sibilyan ay lulan ng 1 jeep at 1 forward truck na nagtungo sa gymnasium.

Una nang ipinabatid sa Bombo Radyo ni 1st Lt. James Teaño, tagapagsalita ng 86th Infantry Batallion na lumikas ang mga mamamayan dahil sa takot na madamay kapag nagkaroon ng labanan sa pagitan ng mga tropa ng pamahaalan at rebeldeng pangkat.

--Ads--

Sa kabila nito ay pinawi ng naturang hepe ang pangamba ng publiko at tiniyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Sa ngayon ay nasa full alert ang kapulisan katuwang ang mga kasapi ng militar mula sa 5th Infantry Division sa posibleng pagsalakay ng rebeldeng pangkat.