CAUAYAN CITY – Patay ang isang pasahero ng tricycle makaraang tumbukin ng isang Sports Utility Vehicle habang nasa kahabaan ng Gamu-Roxas Road sa Barcolan, Gamu, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Sr. Insp. Ricardo Salada, hepe ng Gamu Police Station, kinilala ang nasawina si Harold Cuntapay, 17 anyos, self-employed habang nasugatan naman ang tsuper ng tricycle na si Rochelle Martin, 31 anyos, isang negosyante at kapwa residente ng Gamu, Isabela
Ang suspek ay si Carlito Duarte ng Bliss Village, Ilagan City na siyang tsuper ng Toyota Avanza na may plakang BCY 183.
Sa paunang pagsisiyasat ng pulisya, ang 2 sasakyan ay kapwa galing ng Gamu, Isabela at patungo sa direksyon ng bayan ng Roxas nang banggain ng SUV ang tricycle na sinasakyan ng dalawang biktima.
Agad dinala sa pagamutan ang dalawang biktima subalit ideklarang dead on arrival si Cuntapay habang nagpapagaling pa rin sa Governor Faustino N. Dy Memorial Hospital ang tsuper ng tricycle na si Martin.
Ang suspek na si Duarte ay nasa pangangalaga na ng pulisya habang inihahanda ang kaso laban sa kanya.