CAUAYAN CITY – Napatay ng mga pulis ang isa sa top most wanted person nationwide na si Willie Sagasag ngunit 4 ding pulis ang nasawi, 3 ang nasugatan matapos mauwi sa palitan ng putok ang pagsisilbi ng warrant of arrest ng mga kasapi ng Provincial Public Safety Company (PPSC) at Regional Public Safety Batallion (RPSB) kaninang alas siyete ng umaga sa Lubuagan, Kalinga.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Jocel Baac ng Kalinga, kinumpirma niya na 4 na pulis ang nasawi at 3 ang nasugatan na ginagamot sa ospital sa Tabuk City, Kalinga.
Sinabi niya nakipagbarilan si Sagasag at kanyang mga tauhan sa mga pulis na nagsilbi ng warrantof arrest.
Si Sagasag ay lider ng isang organized crime group sa Kalinga at akusado sa maraming kaso ng murder, frustrated murder at robbery sa Cordillera Administrative Region.
Si Sagasag ay may patong sa ulo na 600,000 para sa kanyang ikadarakip.
Noong Pebrero 13, 2014 ay nakatakas si Sagasag matapos makipagbarilan sa mga pulis na nagsilbi sa kanya ng warrant of arrest sa Tulgao, Tinglayan, Kalinga.
Ito ay kaugnay ng kasong multiple at frustrated murder, robbery with violence and intimidation of persons na isinampa laban sa kanya sa Regional Trial Court Second Judicial Region Branch 25 sa Tabuk City.
Kinasuhan din siya ng frustrated homicide sa pagkasugat ng dalawang pulis sa kanyang pakikipagbarilan.
Akusado si Sagasag at 3 kasama sa pagpatay kay Barangay Kapitan Eduardo Wandaga at Magdalena Dacay na tinamaan ng ligaw na bala sa isang kasalan sa Tabuk City, Kalinga noong 1995.
Naaresto si Sagasag noong April 1998 ngunit nakatakas.
Muli siyang naaresto noong 2001 at ikinulong sa Kalinga Police Provincial Office ngunit muling nakatakas habang sakay ng pampasaherong jeep para mailipat sa kulungan sa Tuguegarao City, Cagayan.
Ang jeep ay pinaputukan ng mga kasama ni Sagasag sa kanyang grupo.
Naitakas si Sagasag ng kanyang mga kasama matapos mapatay ang 2 jailgurad at nadamay ang isang mag-aaral na sakay ng jeep.