--Ads--

CAUAYAN CITY – Kumain pa umano bago nagdeklara ng hold-up ang apat na kalalakihan sa isang restaurant sa Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya.

Batay sa salaysay ng biktima na si Kay Estimada, 41 anyos, isang biyuda, magsasara na sana sila ng kanilang pwesto nang pumasok ang apat na kalalakihan na nakasuot ng sumbrero at facial mask.

Nagtaka umano ang biktima kung bakit nakasuot ng facial mask ang apat subalit binalewala na lamang niya ang mga ito.

Matapos umanong kumain ay dito hinugot ang dalang mga baril at hinalughog ang kanilang pwesto maging ang kwarto ng kanyang mga anak.

--Ads--

Natangay ang pinagbentahang 8,000 pesos  at 5 cellphones na pagmamay-ari ni Estimada, mga anak at waitress nito.

Maliban sa mga gamit ay kumuha pa umano ng ibang paninda tulad ng saging at gatas ang mga suspek.

Tinatayang aabot sa 100,000 pesos ang halaga ng tinangay na mga gamit at pera ng mga suspek na nakasuot ng itim na jacket at camouflage ang dalawa sa kanila.

Sinabi pa umano ng isa sa mga suspek na humingi lamang sila ng kaunti mula sa biktima bago sumakay ng van na nakaabang na sa kanilang pagtakas.