--Ads--

CAUAYAN CITY – Isang chief barangay tanod ang nadakip matapos isakatuparan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA Region 2) ang kanilang kauna-unahang operasyon laban sa ilegal na droga sa Ilagan City.

Ang suspek ay si John Dela Rosa, 52 anyos at chief tanod ng Brgy. Baculod, Ilagan City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa PDEA Region 2, si Dela Rosa ay nahuli sa isang drug buy bust operation sa harap ng sementeryo malapit sa himpilan ng pulisya at Ilagan City Sports Complex.

Nakuha mula sa kanyang pag-iingat ang 3 binalot ng coupon bond na mga dahon ng marijuana na mayroon pang butu-buto at 300 pesos bilang marked money.

--Ads--

Sa panayam naman ng Bombo Radyo, mariing itinanggi ni Chief Tanod Dela Rosa na siya ay nagbebenta ng marijuana sa halip ay pinaratangan ang mga taga-PDEA na sa kanila galing ang mga marijuana.

Aniya, inatasan umano sila ng city hall na maglinis sa kalsada kaya umano naroon siya nang umaga-umaga kahapon.

Hindi naman ito pinaniwalaan ng mga taga-PDEA sa dahilang ang pinaghihinalaan ay una na umanong sumuko sa ilalim ng Oplan Tokhang ng pulisya at isa rin ito sa kanilang minamanmanan.