CAUAYAN CITY – Mahigit 40 na atleta at ilang sports official ng Santiago City sa Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) Meet 2017 ang biktima ng food poisoning.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay Mr. Butch Estavillo, Ilagan City Disaster Risk Reduction and Management Officer (CDRRMO) at hepe ng Rescue 1124 ng Pamahalaang Lunsod ng Ilaga n, dakong alas otso kagabi nang tumulong ang kanilang Rescue unit sa pagdadala sa ospital sa mga atleta na nakaranas ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagdudumi.
Sinabi ni Mr. Estavillo na alas kuwatro kaninang madaling araw nang makabalik sila mula sa pagbabantay sa mga biktima ng food poisoning.
Aniya, walang nasa malubhang kalagayan sa mga atleta at ang marami sa kanila ay nakabalik na sa kanilang billeting quarters sa Isabela National High School.
Hindi pa maidetalye ni Mr. Estavillo ang sanhi ng food poisoning dahil ang delegasyon mismo ng Santiago City ang naghanda ng pagkain na sanhi ng nasabing insidente.
Sinabi pa ni Mr. Estavillo na ipinauubaya nila sa pamunuan ng delagasyon ang pag-iimbestiga para malaman ang sanhi ng food poisoning.