CAUAYAN CITY – Patay ang isang ginang habang dalawa ang nasa kritikal na kondisyon sa karambola ng 4 na sasakyan sa Bascaran, Solano, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SPO2 Joey Aquino, investigator ng Solano Police Station, patungong sentro ng bayan ang tricycle na sinakyan ng mga biktimang sina Gng. Lolita Valdez, 54 anyos; Gaybert Balangatan, 43 anyos; at ang tsuper na si Rodrigo Brin, 52 anyos, pawang residente ng Concepcion, Solano, Nueva Vizcaya nang bungguhin ng sasakyan mula sa likuran.
Sumalpok ang tricyle sa kasalubong na sasakyan na isang Mitsubishi Adventure na pag-aari ng Office of Provincial Agriculture ng Nueva Vizcaya na minaneho ni Jonel Leano, 43 anyos.
Muli pang bumangga ang tricycle sa isang sasakyan na Mitsubishi Canter na minaneho ni Ruel Moises Ramos, 27 anyos, residente ng Quezon, Nueva Vizcaya na mag-oovertake sana sa Adventure.
Agad na isinugod ang mga biktima sa ospital subalit hindi na umabot nang buhay si Gng Valdez habang ang dalawa ay patuloy na nilalapatan ng lunas.
Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya para matukoy kung sino ang nagmaneho sa unang sasakyan na nakabunggo sa tricycle na sinakyan ng mga biktima.