CAUAYAN CITY – Kinumpirma ni P/Sr. Inspector Sammuel Lopez, hepe ng Jones Police Station na natagpuan na kahapon ang bangkay ng dalawa sa tatlong grade 3 pupils na nalunod sa kanilang paliligo sa Cagayan River noong March 1, 2017.
Ayon kay PSI Lopez, natagpuan 1 kilometro ang layo mula sa lugar kung saan sila naligo ang bangkay nina Ron Siegfred Balmilero at Erickson Viernes, kapwa 8 anyos, grade 3 at residente ng Linomot, Jones, Isabela.
Noong umaga ng Miyerkoles nang magtungo ang mga bata sa ilog.
Matapos malunod ay agad natagpuan ang bangkay ni John-john Nono, 8 anyos at kaklase nina Viernes at Balmilero.
Unang sinabi ng kanilang kamag-anak na si Esther Daria sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan na inakala nilang pumasok sa paaralan ang mga bata dahil nakabihis naman sila ngunit nagtungo pala sila sa ilog upang maligo.
Nakaligtas ang kasama nilang nagtungo sa ilog na si Ron-ron Suguitan dahil hindi naligo dahil giniginaw.
Nagpatulong si Ron-ron sa isang matanda na nangingisda kaya agad nakuha ang katawan ni John-john na bago nalagutan ng hininga ay nasabi na may dalawang kasama na nalunod.