--Ads--

CAUAYAN CITY – Ipinagmamalaki ng mga Novo Vizcayano ang kababayang si Cadet 1st Class Sheila Joy Ramiro Jallorina ng Murong, Bagabag, Nueva Vizcaya na number 6 sa mga graduating cadets ng SALAKNIB class of 2017 ng Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City.

Si Jallorina ay kabilang sa 8 babaeng kadete na nasa top 10 sa Sanggalang ay Lakas at Buhay para sa Kalayaan ng Inang Bayan o SALAKNIB Class 2017.

Bukod sa number 6 ay tatanggapin ni Cadet 1st class  Jallorina ang Aguinaldo Saber award, Australian Defence Best Overall Performance Award, Tactics Group Award, Department of Leadership plaque at Airforce Professor Courses Plaque.

Ipinagmamalaki ng mga kababayan sa Bagabag, Nueva Vizcaya dahil siya lamang ang taga-region 2 na kasama sa top 10.

--Ads--

Bumuhos sa social media ang mga pagbati sa kanya ng mga kamag-anak, kaklase sa high school at mga kababayan sa Bagabag, Nueva Vizcaya

Samantala, hindi makapaniwala ang mga magulang ni Sheila Joy na siya ay number 6 sa mga magtatapos na kadeta sa March 12, 2017.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan  sa kanyang ina na si Mrs. Leonida “Leony” Ramiro Jallorina, sinabi niya na nasorpresa sila at hindi nila inaasahan na Top 6 ang kanilang anak.

Gayunman, masayang-masaya sila sa karangalang nakamit ng kanyang anak na nagtapos sa elementarya na may mga awards at valedictorian sa kanyang pagtatapos ng sekundarya sa Murong National High School.

Ayon kay Mrs. Jallorina, bago pumasok sa PMA ang anak ay nag-aral siya ng isang taon sa kursong B.S. Accountancy sa Saint Mary’s University (SMU) sa bayan ng Bayombong .

Anim na magkakapatid sina Shiela Joy at siya ang ikalima. Ang kanyang ama ay isang magsasaka habang ang ina ay dating Overseas Filipino Worker (Ofw) sa Hong Kong at Taiwan.

Ayon kay Ginang Leony Jallorina, nasa dugo ng kanilang pamilya ang pagiging sundalo dahil dating U.S. Army at kapitan ang dalawang lolo ni Sheila Joy.

Ang panganay na kapatid ni Shiela ay isang pulis, ang ikalawa ay si Jeorge Jallorina na nagtapos din sa PMA noong 2005 at isa nang Army Captain nakabase sa Capas, Tarlac, ang ikatlo ay empleado ng isang kompanya sa Pampanga habang ang ikaapat ay nagsasanay na pulis at ang bunso ay kumukuha ng kursong B.S. Civil Engineer sa Nueva Vizcaya State University sa bayan ng Bayombong.

Naghahanda na ang mga magulang ni Sheila Joy sa kanilang pag-akyat sa  Baguio City  upang saksihan ang pagtatapos ng kanilang anak.