CAUAYAN CITY – Inamin ni Army Captain Jeorge Jallorina na hindi nila inaasahan na mapapabilang sa top 10 ang nakababatang kapatid na si Cadet 1st Class Sheila Joy Jallorina ng Murong Bagabag, Nueva Vizcaya sa mga magtatapos sa SALAKNIB Class 2017 ng Philippine Military Academy (PMA) sa ika-12 ng Marso 2017.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Capt Jallorina, Tactical Officer sa Training and Doctrine Command ng Camp O’Donnell sa Capas, Tarlac na mahirap ang academic at non-adacemic training dahil pinagdaanan din niya ito sa PMA kaya hindi niya inaasahan na magiging number 6 ang kanyang kapatid.
Sinabi pa ni Army Capt. Jallorina na masigasig sa pag-aaral si Sheila Joy at maaaring ang mga hirap na pinagdaanan nila noon ang naging inspirasyon ng kapatid upang ibayong pagbutihin ang pag-aaral para makamit ang ranked 6 sa mga magtatapos sa akademya.
Si Cadet 1st Class Sheila Joy Jallorina, 22 anyos ay nagtapos na valedictorian sa Murong National High School at kumuha ng B.S. Accountancy sa Saint Mary’s University (SMU) sa Bayombong, Nueva Vizcaya bago pumasok sa PMA.
Pinili niyang maging kasapi ng Philippine Air Force (PAF).