CAUAYAN CITY – Inakusahan ng Chancellor ng Diocese ng Ilagan ang ilang senador at kongresista na sunud-sunuran at pinapanginoon si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inamin ni Fr. Greg Uanan, chancellor ng Diocese ng Ilagan at parish priest ng St. Joseph Parish Church sa Naguillian, Isabela na malungkot ang buong diocese dahil sa pagpasa na sa Kamara sa panukalang batas sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.
Gayunman, hindi pa sila nawawalan ng pag-asa na magbago pa ang isip ng ilan sa mga pumabor sa death penalty.
Ayon pa kay Fr. Greg Uanan, nagmimistulang rubber stamp ang Kamara at Senado dahil sunud-sunuran umano sila kay Pangulong Duterte sa takot na matulad ang kanilang kapalaran sa naging kinahantungan ni Sen. Leila De Lima ngayon ay nasa kulungan.
Takot din umano ang mga mambabatas na hindi sumunod sa Pangulo dahil mawawalan sila ng puwesto.