CAUAYAN CITY – Inaresto at nakakulong na ang 2 pulis na akusado sa pagpaslang kay Atty. Jemar Apada, chief of staff ng gobernador ng lalawigan ng Apayao.
Dinakip sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Rogelio Corpuz ng RTC Branch 27 sa Bayombong, Nueva Vizcaya ang dating magkasama sa Diadi Police Station na sina PO1 Clifford Dulnuan at PO2 Jenny Apada, misis ng binaril ni Dulnuan na si Atty. Jemar Apada.
Naganap ang pamamaril ni Po1 Dulnuan kay Atty. Apada noong hatinggabi ng December 1, 2016 nang madatnan sila umano ng abogado sa boarding house ng kanyang misis sa bayan ng Diadi.
Inamin ng police woman na si PO1 Dulnuan ang bumaril sa kanyang asawa.
Tumakas noon si Dulnuan at iniwan ang kanyang baril at cellphone at nagtago sa Kiangan, Ifugao ngunit sumuko rin siya matapos ang ilang araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Sr. Supt Leumar Abugan, Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) na nakakulong na sa Nueva Vizcaya Provincial Jail ang dalawang pulis.
Walang inirekomendang piyansa para sa dalawa dahil murder ang kanilang kinakaharap na kaso sa korte.