CAUAYAN CITY – Nagsimula nang dumating ang mga delegado mula sa ibat ibang bansa sa 12th South East Asian Youth Athletic Championships na kauna-unahang idaraos sa Pilipinas at ang Lunsod Ilagan ang mapalad na napili na maging host.
Ito ay gaganapin sa March 28 at 29, 2017 sa City of Ilagan Sports Complex.
Ang mga altetang mananakbo mula sa Timor-Leste ang kauna-unahang dayuhang delegadong nakarating.
Ang 10 delegasyon ay lumapag sa Tuguegarao Airport at sinundo ng bus ng Provincial Government ng Isabela at idineretso sa isang bagong gawang hotel sa pinaka-sentro ng Ilagan City.
Sampo lamang ang kanilang atleta ngunit umaasa ang Timor-Leste na sila ay makikipagtunggali ng puspusan sa mga counterpart sa South East Asia.
Magtutunggali sa 12th Southeast Asia Youth Athletics Championship ang mga Top Level Sports Athlete’s mula sa Southeast Asian Nations na kinabibilangan Indonesia, Malaysia, Singapore, Thailand, Timor-Leste, Brunei Darusalam, Vietnam, at Pilipinas.
Magiging host din ang Lunsod ng Ilagan sa Philippine National Open Invitational Athletics Championship na gaganapin sa March 30 hanggang April 2, l 2017.
Bagamat magastos ang pagiging host sa dalawang malaking sporting events ay sinabi ni dating mayor Jay Diaz na masuwerte ang lunsod na sila ang napili ng Philippine Athletic Track and Field Association o PATAFA na maging punong abala.
Si dating Mayor Jay Diaz ang itinalaga na over-all coordinator sa dalawang sporting events.
Samantala, idineklara ni Mayor Evelyn Diaz na special non-working holiday sa March 28 at 29 kaugnay ng pagdaraos sa 2th Southeast Asia Youth Athletics Championship sa Lunsod ng Ilagan, ang kabisera ng Isabela.
Bukas ay darating ang mga koponan mula sa Brunei, Malaysia, Singapore at Vietnam.