CAUAYAN CITY – Sa kabila ng makulimlim at panaka-nakang pag-ulan dulot ng amihan ay tuloy na tuloy na ang pormal na pagbubukas ngayong araw ng 12th Southeast Asian Youth Athletic Championship sa Ilagan City Sports Complex.
Mamayang 4:00 pm ay magkakaroon ng parada ang mga foreign delegates sa harapan ng Ilagan City Hall patungo sa City Sports Complex.
Susundan ito ang isang programa ganap 5:00 pm kung saan maraming National Sports Officials ang magsasalita kabilang na si City Mayor Evelyn Diaz at Isabela Governor Bojie Dy.
Samantala, inaasahang sasabak sa malalakas na manlalaro ng Malaysia, Thailand at Vietnamn ang delegasyon ng Pilipinas sa pagsisimula bukas ng mga laro.
Ito ang inihayag sa Bombo Radyo Cauayan ni Mrs. Jeneta Viena, isa sa mga technical officiating official ng Philippine Athletic Track and Field Association (PATAFA).
Sinabi ni Viena na malalakas umano sa mga jumping events ang mga pambato ng Malaysia habang ang Vietnam ay inaasahang magapakitang gilas sa mga running events.
Gayunman, kinumpima nito na inaasahan namang mamamayagpag ang mga hurdlers at field athletes gaya ng pole vault at long jump ang mga pambato ng Pilipinas.
Nakaalerto rin ngayon ang buong hanay ng Ilagan City Police Station at Philippine Army sa pagbabantay sa mga hotel na nagsisilbing billeting quarters ng mga foreign delegates.