CAUAYAN CITY- Labis na nagbabahala ang mga magulang ng sampung taong gulang na batang lalaki matapos umano’y dukutin ng dalawang hindi kilalang kalalakihan sa Ilagan City.
Ang biktima ay si John Cedrick Berras,10 anyos, Out of School Youth at residente ng Alibagu, Ilagan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginang Josephine Berras, ina ng bata na anim na araw na umanong nawawala si John Cedrick.
Aniya, unang paalam ng bata na manuod lamang ng isang sporting event sa Ilagan City Sports Complex noong huling linggo ng Marso subalit hindi na umuwi sa kanilang bahay.
Bagama’t may mga pagkakataon na nanunuluyan si John Cedrick sa kanyang mga barkda subalit kanilang ipinag-aalala ang ilang araw na hindi nila nakikita ang bata.
Ayon pa kay Ginang Berras, isinalaysay ng isang jeepney driver sa kanilang lugar na huling sinakyan ni John Cedrick na mayroon umanong dalawang lalaki ang pilit na kumuha sa kanyang anak at isinakay sa itim na pick up.
Humiling na rin ng tulong ang pamilyang Berras sa Ilagan City Police Station para sa agarang pagkakatagpo kay John Cedrick.




