CAUAYAN CITY – Magtatapos na Magna Cum Laude sa Philippine National University o PNU sa Alicia, isabela ang isang binatang anak ng magsasaka at simpleng maybahay na nagpursige at nagsikap para makamit ang pangarap na makatapos ng kurso.
Sobrang ipinagmamalaki ng kanyang mga magulang si Jomar Felix, 20 anyos, residente ng San Fernando, Alicia, Isabela na magtatapos na Magna Cum Laude sa April 10, 2017 sa kursong Bachelor of Science in Secondary Education major in Mathematics.
Nagtapos man na valedictorian sa elementarya at sekundarya ay pansamantala sanang matitigil sa pag-aaral si Jomar dahil sabay-sabay silang nag-aaral na magkakapatid ngunit gumawa siya ng paraan hanggang makakuha scholarship at nalibre siya sa matrikula at miscellaneous fee.
Sa panayam ng Bombo radyo Cauaya, inamin ni Jomar na siya ay ambisyoso, maliban sa pangarap na makita ang sarili na nagtuturo sa loob ng isang silid-aralan ay pangarap din niyang maging kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon o DepEd.
Sinabi niya na bagamat mahirap na makamit ang pangarap na maging DepEd Secretary, sisikapin niya itong makamit sa abot ng kanyang makakaya.
Kabilang din si Felix sa mga ginawaran kamakailan ng Adelan Leadership Award sa Lambak ng Cagayan at Gawad Parangal sa Philippine Normal University main campus.
Para kay Jomar Felix, masasabi niyang tagumpay siya sa kanyang buhay dahil sa dulot niyang kasiyahan sa kanyang mga magulang na labis na ipinagmamalaki ang kanyang pagtatapos na Magna Cum Laude.




