--Ads--

CAUAYAN CITY – Matibay na pananalig sa Diyos, sipag, tiyaga at katatagan ng loob ang naging sandata ng isang dating kasambahay at manggagawa sa pabrika bago naging dean at executive director ng kilalang unibersidad sa Isabela.

Ang Doctor of Education na si Ginang Leticia Ganio, 64 anyos at residente ng San Fermin, Cauayan City ang second prize winner sa Kahapon Lamang Success Story ng Bombo Radyo Cauayan.

Si Gng. Ganio ay panganay sa 7 na magkakapatid, walang permanenteng trabaho ang kanyang ama at ang ina ay mananahi.

Nang magtapos sa sekundarya noong 1970 ay nagtungo siya sa Maynila at pumasok na kasambahay ng tatlong buwan bago nagtrabaho sa pabrika na pinangangasiwaan ng among lalaki.

--Ads--

Pinuri siya ng mga kasama sa pabrika dahil pinagsabay niya ang ang pag-aaral at pagtatrabaho.

Nagtapos siya ng kursong edukasyon sa National Teachers College.

Noong 1976 ay pumanaw ang kanyang ama kaya siya ang tumulong sa mga kapatid na makapag-aral sa kolehiyo.

Kahit mayroon nang asawa at mga anak ay kumuha si Gng. Ganio ng masteral at doctorate degree at noong taong 2000 ay naipromote siya bilang dean bago naging executive director ng Isabela State University sa Cauayan City.

Sinubok ang kanyang katatagan nang siya ay siraan ng mga kasama sa trabaho.

Sinampahan siya ng kaso at pinalagda ang mga mag-aaral sa isang dokumento bilang ebidensiya.

Hinarap niya ang kaso at pinatunayan na walang katotohanan.

Isa-isa niyang pinuntahan ang mga pumirma na graduating student na nagulat dahil ang alam nila sa ipinalagda sa kanila ay refund ng kanilang binayaran.

Gumawa sila ng affidavit at nadismis ang kaso laban kay Ginang Ganio.

Nagsampa rin ng kasong administratibo si Gng. Ganio sa mga guro at empleado, ngunit pinatawad niya sila matapos  kunin ng kapatid at  magbakasyon  sa Japan ng ilang buwan.

Sinabi niya na nanaig ang kanyang pusong Kristiyano.

Sa pagtutulungan nilang mag-asawa ay nakatapos ng kurso ang lahat ng 4 nilang anak.

Ang kanyang panganay ay nagtapos ng B.S. Commerce habang ang ikalawa ay nagtapos ng  Veterinary Medicine sa U.P. Los Banos sa Laguna.

Ang ikatlo ay nagtapos ng B.S. Business Administration at ang ikaapat ay nagtapos na Cumlaude sa Bachelor of Arts in Asian Studies sa University of Sto. Tomas (UST) at ngayon ay nagtatrabaho sa Singapore.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gng. Ganio na ang kanyang pananalig sa Diyos ang pangunahing nagbigay sa kanya ng lakas at tatag para malampasan ang mga hirap at pagsubok sa buhay bago nakamit ang mga pangarap sa buhay.