CAUAYAN CITY – Dagdag na attraction ngayong Semana Santa sa Prayer Mountain sa Ilagan Sanctuary sa barangay Sta. Victoria, Lunsod ng Ilagan ang higanteng rosaryo na pinasinayaan noong Miyerkoles Santo.
Ang rosaryo ay nakalatag sa lupa at yari sa semento na may malalaking tanikala na nagdurugtong sa bawat beads na halos triple ng laki ng bola ng basketball.
Ang krus nito ay nasa isang metro ang haba at isang metro rin ang lapad.
Ang rosaryo ay pininturahan ng kulay silver na aandap tuwing nasisinagan ng araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Perlita Gauiran, City Tourism Officer, sinabi niya na ang malaking krus ay hindi nangangahulugan na para lamang ito sa mga mananampalatayang Katoliko kundi bukas sa lahat ng mga nais na magnilay-nilay ngayong panahon ng Semanta Santa.
Maliban sa malaking rosaryo, tampok din sa Ilagan Sanctuary ang Prayer Mountain, Serenity Hills at Stations of the Cross na dinadayo ng mga turista at deboto ngayong Semana Santa.




