CAUAYAN CITY – Naniniwala ang mga kamag-anak sa Alicia, Isabela ng namatay na driver ng Leomarick Trans na si Rolando Mangaoang na hindi siya ang nagmaneho nang mahulog sa bangin kahapon ang bus sa Capintalan, Carranglan, Nueva Ecija.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mrs. Jacqueline Gramaje na naniniwala sila na hindi ang kanyang bayaw ang nagmaneho sa bus dahil sa loob ng 25 taon na pagiging tsuper ng Leomarick bus ay hindi pa siya nasangkot sa aksidente.
Posible umano na ang kasamang tsuper na si Cesar Perang ang nagmaneho nang maaksidente ang bus.
Si Mangaoang, 50 anyos ay tubong Bauang, La Union ngunit nakapag-asawa ng taga-Callao, Alicia, Isabela.
Iniuwi ang bangkay ni Mangaoang sa La Union dahil nais ng kanyang nanay na sa kanilang bahay na maiburol at mapaglamayan ang kanyang bangkay.
Sinabi ni Mrs. Gramaje, kapatid ng misis ni Mangaoang na labis na nanlumo at halos mawalan ng bait ang kanyang ate nang malaman na nahulog sa bangin ang minamanehong bus.
Aniya, agad na nagtungo kahapon ang kanyang ate sa ospital kung saan dinala ang kanyang bayaw.
Inilarawan ni Gng. Gramaje ang kanyang bayaw na mabait, matulungin at hindi nagkukulang sa pagbibigay ng suporta sa kanyang pamilya kahit madalang na umuwi sa kanilang bahay.
Aniya, bagama’t mahigit isang taon nang hindi maayos ang pagsasama nina Mangaoang at kanyang misis ay hindi niya nakakaligtaan na magbigay ng suporta sa kanyang pamilya.
Sa katunayan, bago bumiyahe kahapon ang bayaw ay nagbigay pa ng groserya at pera sa kanyang nag-iisang anak na sumalubong sa national highway sa bayan ng Alicia.




