--Ads--

CAUAYAN CITY – May epekto sa performance sa Palarong Pambansa 2017 ng mga atleta ng Cagayan Valley Regional Athletics Association (CAVRAA) ang napakalayo nilang billeting quarters.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Joselito Narag, team Manager ng CAVRAA na sila ang may pinakamalayong billeting quarters na nasa Bugasong Central Schoool na 42 kilometers ang layo sa San Jose De Buenavista, Antique.

Aniya kailangang bumiyahe ang mga atleta ng CAVRAA ng 1 oras at 20 minuto bago marating ang mga playing venues na sanhi para mahilo ang mga manlalaro. 

Gayunman, natugunan ang kanilang reklamo at naka-billet ngayon ang ilan nilang atleta sa Pangpang National High School na 11 kms ang layo mula sa mga playing venues.

--Ads--

Inihayag pa ni Dr. Narag na nahihirapan silang bumiyahe dahil may mga larong nagsisimula ng 5:00am at mayroon ding natatapos na laro 11:30 ng gabi.

Nagrenta sila ng mga jeep na sasakyan ng mga atleta mula sa CAVRAA.

Sinabi pa ni Dr. Narag na may ilang atleta na dinala sa ospital dahil sa pagkahilo dulot ng sobrang init ng panahon ngunit nasa mabuti na silang kalagayan.

Samantala, 17 na medalya na ang napanalunan ng mga atlelta ng region 2.

Apat na ginto ang napanalunan sa teakwondo na nilaro ng atleta ng Cagayan, swimming na nakuha ng manlalangoy mula sa Santiago City, long jump elementary girls na nakuha ng atleta mula sa City of Ilagan at isa pa sa long jump na napanalunan ng atleta mula sa lalawigan ng Cagayan.

Ayon kay Dr. Narag, maaari pang manalo ang mga atleta ng region 2 sa chess dahil wala pang talo ang atleta mula sa Nueva Vizcaya, taekwondo at 3 ang inaasahan sa athletics.