--Ads--

CAUAYAN CITY – Sa pitong gintong medalya na napanalunan ng region 2 sa Palarong Pambansa ay 3 gold medal ang napagwagian at nakapagtala pa ng bagong record sa swimming ang isang grade 5 pupil na residente ng Plaridel, Santiago City. 

Sa bilis na 1.14.04 seconds, nagtala ang 11 anyos na si Jallyl Seframe Taguinod ng bagong record sa 100 meters breaststroke.

Binasag niya ang record ni Ethan Roy Go ng Tanauan City, Batangas na nakapagtala ng 1.15.21 seconds noong 2014 Palarong Pambansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Jallyl Seframe na hindi niya inaasahan na siya ang magiging bagong record holder sa 100 meters breaststroke sa Palarong Pambansa.

--Ads--

Samantala, labis na natutuwa at ipinagmamalaki ni Ginoong JC Taguinod ang kanyang anak. 

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Taguinod na  8 anyos si Jallyl nang makitaan niya ng interes sa paglangoy.

Maliban kay Jallyl ay swimmer din ang kanyang 3 pang anak. Bukod sa mahusay na swimmer ay magaling din sa klase si Jallyl dahil siya ay kabilang sa top 10. 

Sinabi ni Mr. Taguinod na madalas na tuwing alas kuwatro ng madaling araw ay sinasamahan na niya ang anak na mag-jogging at pagkatapos nito ay papasok na siya sa paaralan.

Dahil wala silang sariling swimming pool ay nakikiusap sila sa mga kakilalang may swimming pool para makapagsanay.

Sinabi naman ni Santiago City Mayor Joseph Tan na magbibigay ng 15,000 pesos ang pamahalaang lungsod sa bawat atleta na taga-Santiago na mananalo gold medal sa Palarong Pambansa.

Dahil dito ay aabot sa 45,000 pesos ang naghihintay na gantimpala kay Jallyl Seframe Taguinod bilang pagkilala sa hatid na karangalan dahil 3 gold medal na napagwagian sa Palarong Pambansa 2017.