CAUAYAN CITY- Humigit kumulang walong libong tao mula sa ibat ibang kooperatiba ang nakiisa sa show of force rito sa Lambak ng Cagayan upang pigilan ang panukalang batas na buwisan ang mga kooperatiba.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, nanindigan si Coop-NATCCO Partylist Representative Anthony Bravo na kanilang ipagpapatuloy ang pagpapakita ng lakas hanggat hindi maibabasura sa Kongreso ang naturang panukala.
Ito ay nakabatay sa kahilingan ng Chairman ng Committee on Ways and Means Congressman Dakila “Dax” Cua ng Quirino at Senador Franklin Drilon na maging ang kooperatiba sa ilalim ng Cooperative Development Authority (CDA) ay sisingilin na rin ng buwis.
Ayon kay Cong. Bravo, nagsasagawa na ng pagpupulong ang Technical Working Committee upang pag-usapan ang panukala mula sa Department of Finance.
Umaasa ang naturang kongresista na sa kanyang pakikipag-ugnayan sa kapwa kongresista ay maibabasura ang nasabing panukala.
Idinagdag pa ni Cong. Bravo, sa oras na masingil ng buwis ang ibat ibang kooperatiba sa bansa ay posibleng magkawatak-watak at magsara ang mga ito dahil ang dibidendo na dapat nilang mapakinabangan ay mapupunta lamang sa buwis.




