CAUAYAN CITY – Sinibak na sa puwesto si P/Sr. Supt. Merwin Cuarteros bilang Provincial Director ng Quirino Police Provincial Office (QPPO).
Ito ay alinsunod sa kautusan ni Regional Director P/Chief Supt. Eliseo Tam Rasco ng Regional Police Office No. 2 matapos ang pagsalakay ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Maddela Police Station sa Maddela, Quirino.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, ang pumalit bilang Provincial Director ng QPPO ay si P/Sr. Supt. Gregory Bodollo Bognalbal na miyembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) Class 1994 at naging opisyal ng PNP Special Action Force.
Nauna nang inihayag ni P/Sr. Supt. Cuarteros na nakahanda siyang sumunod sa anumang kautusan mula sa nakatataas na pinuno ng PNP.
Ang pagsibak kay P/Sr. Supt. Cuarteros ay batay umano sa Standard Operating Procedure (SOP) ng PNP na kung ang isang himpilan ng pulisya ay sinalakay ng mga rebelde ay agad mapapalitan sa puwesto ang nakaupong Provincial Director kasama na ang hepe.
Matatandaang sinalakay ng halos 100 na miyembro ng NPA ang Maddela Police Station dakong alas diyes ng gabi noong Abril 29, 2017 na ikinasawi ni PO2 Jerome Louie Cardenas at nasa 13 na armas ang tinangay ng mga rebelde.




