CAUAYAN CITY – Mula sa lalawigan ng Cagayan ang isang binata at isang menor de edad na brutal na pinatay at itinapon ang bangkay sa drainage Canal sa Barangay Ballacayu, San Pablo, Isabela.
Ang unang biktima ay si Marlon Aquino,20 anyos, binata, construction worker at residente ng quezon street Maura, Aparri, Cagayan ngunit pansamantalang naninirahan sa Barangay Centro 10, Tuguegarao City.
Ang ikalawang biktima ay si Ivan Bengado,16 anyos, residente sa Centro 10, Tuguegarao City.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na ang dalawa ay nasa terminal sa Tuguegarao City isang puting Honda CRV na walang plaka na may sakay na 7 lalaki ang sapilitang tumangay sa kanila.
Nakatakas umano ang isa pa nilang kasama na si Joshua Dela Cruz ng Centro, Tuguegarao City.
Si Dela Cruz at ang dalawang kasama na sina Romalyn Bautista at Marilyn Aquino ang nagsumbong sa pulisya hinggil sa pagtangay kina Aquino at Bengado.
Ang mga biktima ay nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kanilang ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nakuha ng mga otoridad sa crime scane ang limang basyo ng bala mula sa Cal. 45 baril.
Patuloy ang malalimang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang motibo sa krimen at kung sino ang mga salarin.




