CAUAYAN CITY – Unti-unti nang bumabalik sa normal na kalagayan ang Maddela, Quirino Province, ilang linggo matapos ang naganap na pagsalakay ng mga kasapi ng New People’s Army sa himpilan ng pulisya at nasundan pa nang panghaharass sa isang kampo ng militar.
Ito ang inihayag ni P/Chief Insp. Ricardo Salada, ang hepe ng Maddela Police Station.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, aminado si Chief Insp. Salada na malaki ang naging epekto nito sa mga mamamayan dahil sa hindi inaasahang paglusob ng makakaliwang pangkat.
Pinawi rin ng naturang hepe ang pangamba ng publiko at iginiit na kanilang ginagawa ang lahat upang maibalik sa katahimikan ang bayan ng Maddela.
Sa katunayan aniya, nagpadala ang panlalawigang tanggapan ng karagdagang pwersa mula sa Quirino Provincial Pulic Safety Company (QPPSC) sa pamumuno ni P/Supt. Rommel Rumbaoa.
Ayon pa kay Chief Insp. Salada, hiniling na rin niya ang karagdagang armas bilang kapalit ng mga baril na nakuha noong sinalakay ng rebeldeng pangkat ang PNP-MAddela.





