CAUAYAN CITY- Binigyang diin Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana na pagpaparamdam lamang ang ginagawa ng mga kasapi ng New People’s Army (NPA) upang maipakita sa publiko na may lakas pa o may kaya pang sumagupa sa mas malakas na tropa ng pamahalaan.
Ito ang iginiit ni Kalihim Lorenzana sa naging katanungan ng Bombo Radyo Cauayan na sa kabila ng pagpapahayag ng marami ng mga nagdaang Commanding Generals ng 5th Infantry Division Philippine Army na mahina na ang puwersa ng mga rebeldeng NPA sa nasasakupan ng 5th ID.
Ayon kay Kalihim Lorenzana, pagpaparamdam lamang ang ginagawa ng mga rebelde upang makakuha sila ng leverage sa pakikipag-usap pangkapayapaan sa pamahalaan.
Pinapalabas umano ng mga NPA na malakas pa ang kanilang puwersa upang magamit at maigiit ang kanilang gusto habang nasa negotiating table ang kanilang mga pinuno na nakikipag-usap sa kanilang mga katapat sa pamahalaan.
Ayon pa kay Kalihim Lorenzana, kung tutoong malakas ang puwersa ng NPA ay hindi sana hit and run o di kaya ay harassment lamang ang kanilang ginagawa.
Ang pagkilos ng mga NPA ay mangilan ilan lamang ang kunwari ay manghaharass sa mga maliliit na advance command post ng mga pulisya at militar upang palabasin na sila ay marami.
Anya, ang puwersa ng NPA ay maliit na sa region 2 subalit kung magkakatagpo-tagpo ang kanilang mga kasamahan na galing sa iba pang lugar ay lumalabas na marami ang kanilang bilang..umaabot sa isang daang puwersa ng rebelde ang nakikita sa lalawigan ng Quirino at Isabela at sinasabing galing sa iba’t ibang mga larangan o guerilla front ng NPA.
Ang 5th Infantry Division Phil. Army ay mayroong area of operation sa buong Region 2, Cordillera Administratrive Region at ilang bahagi ng Ilocos Region.
Si Kalihim Lorenzana ay nagtungo sa 5th Infantry Star Division Philippine Army upang dumalo sa pagdiriwang ng 36th Founding Anniversary sa Camp Melchor F. Dela Cruz sa Barangay Upi Gamu, Isabela.




