CAUAYAN CITY – Inaresto ng mga pulis sa isinagawang entrapment operation ang isang lalaki na nagbanta sa kanyang ka-chat na ginang na i-upload sa Facebook ang kanyang hubad na larawan.
Dumulog sa San Mateo Police Station ang ginang na kinilala sa pangalang Zenia matapos magbanta ang kanyang ka-chat na lalaki kapag tumanggi siyang makipagkita sa kanya.
Sa entrapment operation ay nagkita ang ginang at lalaki sa isang hotel at nang sila ay nasa isang kuwarto na ay tinangka ng suspek na yakapin at hubaran ang ginang.
Nang sumigaw ang biktima ay lumabas sa banyo ang pulis at agad na inaresto ang pinaghihinalaan na dinala sa San Mateo Police Station.
Mariing itinanggi ng suspek na siya ang nagbanta at nagpadala ng mensahe sa ginang.
Iginigiit niya na-hack ang kanyang Facebook account.




