CAUAYAN CITY- Maaaring maharap sa kasong administratibo ang dalawang pulis na nakatalaga sa Regional Drug Enforcement Unit (RDEU).
Ito ay makaraang magreklamo ang 3 lalaki sa Presinto Uno makaraan silang harangin at pababain sa isang checkpoint at litratuhin ng dalawang kasapi ng RDEU hawak ang droga, pera at motorsiklo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Chief Insp. Redentor Gumaru Jr., hepe ng Presinto Uno, sinabi niya na bagama’t hindi na nagsampa ng kaso ang 3 nagreklamo ay ibinigay pa rin nila kay P/Senior Supt. Percival Rumbaoa, City Director ng Santiago City Police Office ang kaukulang dokumento upang mapag-aralan kung anong kaukulang kaso ang isasampa sa dalawang pulis.
Idinagdag pa niya na batay sa sistema ng kanilang organisasyon ay itutuloy pa rin ang kasong administratibo laban sa dalawa.




