CAUAYAN CITY- Humihingi ng katarungan ang pamilya ng isang tsuper ng tricycle na pinaslang sa loob ng kanilang tahanan.
Ang biktima ay si Leonardo Marcos Jr. 26 anyos, binata at residente ng Saranay, Cabatuan, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Gng. Lilia Marcos, ina ng biktima, bunso niyang anak si Leonardo kayat masamang masama ang kanyang loob sa pagkamatay ng kanyang anak.
Anya nanonood ang kanyang anak at ama nito ng telebisyon nang biglang pumasok ang dalawang suspek sa kanilang bahay at binaril ang biktima
Ayon kay Gng Marcos, wala siyang alam na nakaaway ang kanyang anak.
Matapos mabaril ang biktima ay yumakap sa kanyang ama habang tumakas ang dalawang suspek sakay ng motorsiklo.
Patuloy ang ginagawang pagsisiyasat ng pulisya kaugnay sa pagbaril at pagpaslang sa biktima.




