CAUAYAN CITY – Naagapan ng sumaklolong magulang ang muntik nang magahasang 9 na anyos na batang babaeng dito sa Lunsod ng Cauayan.
Sa impormasyon na nakuha ng Bombo Radyo Cauayan, inireklamo ng magulang ni Nene, 9 anyos si Totoy, 16 anyos makaraang tangkain niyang gahasain ang kanilang anak sa loob ng kwarto nito kagabi.
Una rito, ay narinig ng ina ni Nene ang kanyang anak na sumisigaw at nang kanilang tinungo ay nakita nila ang suspek na naka-ibabaw sa kanilang anak.
Tinangka namang suntukin ni Totoy ang ama ng biktima at tumakas ngunit siya ay nabigo sa halip ay siya ang nasuntok ng ama ng biktima.
Agad na tumugon ang mga opisyal ng barangay at dinala sa himpilan ng Pulisya ang suspek.
Batay sa salaysay ni Nene, mahimbing siyang natutulog nang maramdaman niya na may dumagan sa kanya.
Hinawakan umano ni Totoy ang maselang bahagi ng kanyang katawan bukod pa sa siya ay hinalikan kaya siya ay sumigaw.
Desidido namang magsampa ng kaso ang mga magulang ng biktima laban kay Totoy.
Pinag-aaralan pa ng Women and Children Protection Desk ng Cauayan City Police Station kung anong kaso ang maaring isampa laban kay totoy.




