CAUAYAN CITY – Desididong magsampa ng kaso ang isang barangay tanod na biktima ng pambubugbog matapos umawat sa isang kaguluhan sa Echague, Isabela.
Ang biktima ay si barangay tanod Reynaldo Molina, 32 anyos at residente ng Salvacion, Echague, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni barangay tanod Molina na may naganap na rambulan sa kanilang barangay at nang tumugon siya ay pinagbalingan siya ng mga suspek na sina Mel Medina, Roy Ocampo at isa pang hindi nakilalang lalaki.
Una rito, sumugod ang tatlong lalaki sa bahay mismo ng bayaw ng biktimang at nang umawat ay dito siya pinukpok ng malaking flashlight dahilan upang gumanti si Molina.
Nagtamo ng pasa at sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan ang biktima na agad dinala sa pagamutan habang agad namang tumakas ang tatlong suspek.




