CAUAYAN CITY- Dinumog ng mga kliyente ang Bank of the Philippine Islands o BPI-Cauayan Branch kaugnay pa rin ng nararanasang problema ng nasabing bangko.
Ayon sa gwardiya ng BPI-Cauayan, sinabi niya na bago pa man sila nagbukas ay marami ng nag-aabang upang magtanong kung anong nangyari sa kanilang savings account na ang ilan umano ay zero balance.
Inihayag ng ilang kliyente ng naturang bangko, nagulat na lamang sila ng hindi na nababasa ang kanilang credit card sa isang malaking groserya.
Isa din sa mga kliyente ay maglalabas sana ng kanilang allowance ngunit wala silang nailabas kaya mangungutang na muna umano siya sa kanyang mga kamag-anak.
Umaasa naman ang ilang kliyente ng bangko na maayos ang problema sa lalong madaling panahon upang hindi na sila maabala pa.
Nagsimulang maranasan ang problema sa bangko kaninang alas-sais ng umaga.
Ayon naman sa Bank Manager ng nasabing bangko, internal system error ang naging problema.
Hindi pa matiyak kung kailan maibabalik sa normal ang transaksyon sa nasabing bangko.




