CAUAYAN CITY – Masayang tinanggap ng mga pinuno ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni punong lalawigan Bojie Dy ang Gawad Kalasag Award na pinakamataas na parangal na ipinagkakaloob ng pambansang pamahalaan sa mga mahuhusay na Provincial Disaster Risk Reduction Management Council ( PDRRMC ) sa bansa.
Maraming halal na opisyal ng pamahalaang Panlalawigan kasama ang mga department heads at pinuno ng PDRRMC ang nagtungo sa Philippine International Convention Center o PICC upang tanggapin ang parangal na may kaakibat na malaking halaga ng salapi na gagamitin sa pagbili ng mga kagamitan at gastusin ng PDRRMC.
Ang lalawigan ng Isabela ay Hall of Famer na sa Gawad Kalasag Award.
Tinanggap din ng pamahalaang panlalawigan ng isabela ang iba pang award tulad ng Best Barangay Disaster Risk Reduction Management Council, Best Early Learning Center Provincial Category na nakuha ng Isabela.
Samantala, tinanggap din ng mga kasapi ng Rescue 922 ng pamahalaang Lunsod ng Cauayan ang kanilang Gawad Kalasag Award 2016.
Pinangunahan nina mayor Bernard Dy at City Disaster Risk Reduction Management Officer (CDRRMO) Ronald Viloria kasama ang ilan pang opisyal ng pamahalaang lunsod ang pagtanggap sa Best Government Emergency Management Services Award.
Tinalo ng Rescue 922 ng pamahalaang Lunsod ng Cauayan ang iba pang rescue units sa buong bansa tulad ng Olongapo City Rescue team at Bayawan City Search and Rescue Group ng Negros Occidental.




