--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy na tinutugis ng mga kasapi ng Alicia Police Station ang retiradong sundalo na walang habas na namaril sa pamilya ng kanyang kapatid na babae sa Barangay Linglingay, Alicia, Isabela.

Ginagalugad na ng kapulisan ang posibleng mga lugar na maaaring pinagtaguan ng suspek na si Retired Master Sergeant Jesus Abat, 54 anyos.

Sa isinagawang pagsisiyasat ng pulisya, nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng suspek at ang kapatid nitong si Ginang Brigida Tayan.

Nag-ugat ang mainitang pagtatalo ng magkapatid dahil sa umanoy paratang ni Abat kay Gng. Tayan na nagsusumbong sa kanyang misis na nasa Mindanao na siya ay palaging nasa videoke at may ibang babae.

--Ads--

Uminit ang ulo ni Abat at bumunot ng Cal. 45 baril kayat agad na tumakbo ang Ginang at nagtago sa isang tindahan.

Nakita ni Abat ang kanyang bayaw na si Arthur Tayan na asawa ni Brigida na binaril at tinamaan ng bala sa kanyang kanang paa ngunit nakatakbo.

Sunod na binaril ng retired Army ang anak ni Ginoong Tayan na si Arvin, 24 anyos, na nagtamo ng apat na tama bala ng baril na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Pumasok sa bahay ang pinaghihinalaan at binaril din niya ang isa pang anak ni Mr. Tayan na si Arjay na nagtamo ng dalawang tama ng baril habang ang misis na si Brigida ay nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril at ginagamot sa isang ospital sa Santiago City.

Tinamaan din ng ligaw na bala si Fretchie Lacar na nasa loob ng tindahang pinagtaguan ni Ginang Tayan.

Agad na tumakas ang suspek habang dinala sa magkakahiwalay na pagamutan ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival sa pagamutan si Arvin.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo at tingga ng Cal. 45 baril.

Tiniyak ng pamunuan ng PNP Alicia na tutugusin nila ang suspek na itinuturing na mapanganib dahil armado.