CAUAYAN CITY- Natangay ang humigit kumulang P/300,000.00 makaraang looban ang isang malaking groserya sa Barangay District 1,Cauayan City
Pinasok ng tatlong hindi pa nakikilalang suspek ang nasabing bahay kalakal sa pamamagitan ng ginawang tunnel.
Sa imbestigasyon ng Cauayan Police Station, natuklasan ni Ginang Jingle Bawat, isang kawani ang panloloob nang makita ang butas pangunahin na sa cosmetic section ng groserya.
Batay sa kuha ng CCTV footage pumasok ang ang mga suspek kaninang madaling araw at nagtagal ng halos isang oras sa loob bago lumabas.
Sinabi ni P/Senior Inspector Ferdinand Datul, Chief Investigator ng Cauayan City Police Station na kanilang masusing iniimbestigahan ang panloob upang matukoy ang tatlong suspek na nakita sa CCTV footage na nanloob sa bahay kalakal.
Anya dumaan ang mga suspek sa drainage canal malapit sa bahay kalakal.
Sa imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives, natanggal ang dalawang tiles ng flooring ng groserya na siyang naging entry at exit ng mga suspek.
Narekober sa loob ng tunnel ang isang hydraulic jack at screwdriver na posibleng gamit ng mga suspek sa panloloob.




