CAUAYAN CITY- Matapos ang pangangalap ng ibat ibang ebidensya sa pamamagitan ng Scene Of the Crime Operatives (SOCO) at physical evidences na iniharap ng mga testigo, napatunayan na ang napatay na isang carnapper ilang buwan na ang nakakaraan ay may kaugnayan ng ilang krimen dito sa Isabela.
Batay sa report kaugnay sa carnapping na ipinalabas ng Ilagan City Police Station at nakarating na sa Isabela Provincial Investigation Detection and Management Branch, ang napatay na carnapper ay si Felizardo Taguiam Jr., alyas Jun, 43 anyos, tubong Brgy. Bangag, Solana, Cagayan subalit pansamantalang naninirahan sa Bliss Village, lunsod ng Ilagan.
Batay sa paglalarawan sa mga nakasaksi, ang suspek sa pamamagitan ng rouges gallery ay napatunayan na isa umano siyang notorius carnapper, robbery holdaper, at gun for hire personality na kumikilos dito sa lalawigan ng Isabela, Quirino at lunsod ng Santiago.
Si Taguiam di umano ang pangunahing pinaghihinalaan sa pagpatay kay SPO1 Alex Ulnagan ng Cordon Police Station noong 2015.
Siya rin ang pangunahing pinaghihinalaan sa pagpatay kay Donald Cabansag noong Pebrero, 2017 sa Alibagu, Ilagan City.
Isang murder case ang nakaharap laban sa kanya sa tanggapan ng City Prosecutor noong April 15, 2017.
Siya rin ang pangunahing suspek sa motornapping incident noong April 11, 2017 sa naturang lunsod.
Sa kaparehong araw din ay napatay ang pinaghihinalaan sa pambansang lansangan na bahagi ng barangay San Juan matapos makipagbarilan sa mga otoridad.




