CAUAYAN CITY – Patay ang isang binatilyo na binaril sa ulo matapos umanong pasukin ang isang bahay sa Villasis, Santiago City.
Ang biktima ay si Ragel Pascual, 17 anyos at residente sa nasabing lunsod.
Batay sa imbestigasyon ng Station 1 ng Santiago City Police Office (SCPO), tinangkang pasukin ni Pascual ang bahay ni Mary Anne Dea subalit nabigo siyang makatangay ng anumang bagay.
Siya ay binaril sa ulo ng hindi pa nakilalang suspek na humabol sa kanya.
Nagtamo ng isang tama ng bala ng Caliber 45 baril sa noo ang biktima na dahilan ng kanyang kamatayan.
Agad na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril.
Batay sa datos ng Station 1 ng SCPO, nauna nang dinala sa himpilan ng pulisya ang binatilyo dahil sa pagkakasangkot sa mga nakawan sa Santiago City.




