--Ads--

CAUAYAN CITY – Inaresto at kakasuhan ang isang albularyo sa Cauayan City na inireklamo dahil sa panghihipo sa isang dalagita na sinabi niyang binuntis umano ng isang kapre.

Kakasuhan ang albularyo na kinilala sa pangalang Edward ng Acts of Lasciviousness in relation to Republic Act 7610 o Child Abuse Law.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Sr. Insp. Essem Galiza, hepe ng Women and Children’s Protection Desk ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na nagsumbong sa kanila ang ina ng biktima laban sa 50 anyos na albularyo.

Sinabi umano ng ginang na nagpakonsulta sila ng kanyang anak kay Edward sa paniniwalang mapapagaling niya ang kakaibang sakit ng dalagita.

--Ads--

Naganap ang panghihipo sa maselang bahagi ng katawan ng biktima habang ginagamot ng albularyo at sinabihan pa umano ang dalagita na babalik kinabukasan.

Binalaan din ng albularyo ang trese anyos na dalagita na huwag sabihin ang ginawang panghihipo upang magkabisa ang panggagamot sa kanya.

Dahil sa sumbong laban kay Edward ay inaresto siya ng mga pulis.

Todo ang pagtanggi ng suspek sa bintang laban sa kanya at iginiit na hindi pinagsamantalahan kundi ginamot lamang ang menor de edad.